| Ang Talatinigang Tagalog ng Sariaya |
|
|
|
|
Kapag maririnig ito ng isang taga Bulakan, Maynila o kahit na taga Laguna kaya ay mapapakunot-noo siya at mapapailing dahil hindi niya maiintindihan ang iyong sinasabi. Naku, ay paano pa kaya kung pakikisuyuan mo siya sa pagbili ng mga sumusunod… ‘isang pandak na langis, sampung gaman, manalaping malilinggit na saba, isang tungkos na sihi, dalawang taling dahon ng unti, tatlong takal na balatong, tatlong pisong haot at dalawang apuyan sa Mercado”? A-ah, ay baka lalo siyang ‘marindi’, eh, mataranta pala! Paano nga naman ay naturingan tayong mga Tagalog din, pero napakarami nating mga salita na ibang-iba talaga ang porma at pagbigkas kahit na pareho ang ibig sabihin sa regular na Tagalog na alam nila. Bukod pa diyan ay ang mas malamyos nating punto kaysa sa mga ‘kanluranin’… na ang ibig sabihin ay yuong mga Candelaria-hin, Tiao-ngin , San Antonio-hin at Batangasin… pero mas matapang nating tunog kaysa sa mga ‘silanganin’ gaya ng mga Lucena-hin, Tayabasin, Lukbanin, Pagbilao-win , Maubanin, Atimonanin, etcetera! Puntong NPA daw naman tayo, ang sabi ng ilan! Kantiyaw nga ng mga kaibigan ko sa dormitoryo noong nasa College pa ako ay “bakit daw gab-i at bu-wan”? Eh di “umag-a daw pala at ar-aw”! Ang sabi ko nga sa kanila ay huwag na nga silang mag ‘trying hard’ dahil hindi naman sila taga Sariaya! Iyaaaa, ay di tawanan sila at aliw na aliw! Mga ‘provincialisms’ ko raw! Para baga namang hindi sila mga Ibanag, Panggalatok, Kapampangan, Ilokano,Igorot, Gaddang, Itawis, Bikol, Ilonggo,Waray at Chavacano! “Asus naman!” Sa paghahalimbawa, ang alam , laang nila ay ang maghugas, kasunod ang parte ng kataw-an o bagay na huhugasan! Pero, daig natin sila dahil maaari tayong… ”humambo, magpugos, magdayag, maghiso, magbalaas, mag-upli, maghinaw, magpagas, maghimasa at mag-iwang” hindi baga? May mga taong “hindi nagugulo ang balahibo” at “hindi naiinda”… habang ang ilan naman ay “uslit ang litid” kaya parang mga “babaeng payat”! At kung sa kanila ay may gatas pa sa labi ang mga dalaginding kaya hindi pa puwedeng ipakasal sa isang matandaang ligawan noong una, dito naman sa atin ay hindi rin puwede o “ari” ito “ gawa ng hindi pa namumula ang silangan”! Kaya mga kabayang Sariayahin, dapat kayong lahat ay “tindig ang balukad” dahil talaga namang ‘yanong’ yaman ng ating “Talatinigang Tagalog Ng Sariaya”! Upang lubos na maunawaan nating lahat ang tungkol sa kayamanan ng ating pagtatagalog dito sa Sariaya, mangyari laang pong basahin ang “Talatinigang Tagalog Ng Bayan Ng Sariaya, Quezon” na nakapaloob sa “Libro Ng Kasaysayan At Sobenir Program Ng Ika 400 Taon Ng Sariaya”! Kung mayroon kayong mga karagdagang kaalaman, mga puna at iba pang mga kuro-kuro tungkol dito ay mangyari lamang pong iparating sa inyong lingkod na siyang may akda nito. |


