| Kuwentong Pansit |
|
|
|
| Wednesday, 17 October 2007 21:29 | ||||||
|
"Ang tiyan ko’y laging gutom, sa pansit na Canton, Lalo na’t luto ni Singki, intsik ng Sariaya" Hindi ito isang tula ha? Ito’y isang mumunting kanta na hindi ko alam kung sino ang umimbento, ni bakit, kailan at paano kinatha. Ang alam ko laang, ito ay kinakanta-kanta naming mga bata noong nineteen sixty – han. Paano ka’mo ito kantahin? Iyaaa, madali laang, bayai at ituturo ko rin sa iyo, pero bayaan mo muna akong mag - nostalgia, ha? Ganari, ang totoo niyan ay talagang napakahilig sa pansit nang mga Sariayahin, kahit mag araw-araw na humabhab at sumabsab! Ang sabi nga noon ni Ginoong Maximo Ocampo ng Quezon Avenue ibaba o si Tito Jap, sa aking Inanang Bia noong sila’y nabubuhay pa, ang pansit daw ang pinaka kumpletong pagkain! Bakit ika? Aba’y may karne, hipon, atay, gulay at meke na para na rin daw kanin, hindi nga baga naman? Pamula sa mga batang iskul (pablik sa mga taga Madre) na ang recess ay pansit habhab at barbikyung saging o kamote kaya ni Tia Tusang (Fortusa Alcance) na nasa kuwadradong dahon ng saging ang lalagyan, hanggang sa mga suki ng pansiteria ni Kiama sa ilaya, sa tabi ng bahay nina Aling Prunieng Villadiego ay tunay na tunay ka… maski itanong mo pa sa kanyang maaaligansang balo na si Mommy Juling! Tuwing hapon pagkatapos ng siesta ay nauunanap ko pa sa kalsada ang boses ni Aling Petra na tawag na tawag ng “ Pansiiiiiit!“, habang dala-dala ang isang kalderong bihon at sunong ang magkataklob na bilaong puno ng sinukmani, pati pan de aleman at insemada na yari sa panaderia ng Iday (Villamater’s Bakery). Aba, tamo nga naman! Akalain mong habang tina-type ko ito sa aming nagwawalang makenilya ay may kumakanta ng “Raindrops Keep Falling On My Head” sa TV. Aba’y special pala ni Burt Bacharach ang palabas… a-ah ay matanda na nga pala talaga si Burt! Pero nakikisama ang sounds sa aking ginagawa ngay-ong pagbabalik-tan-aw, at ako’y parang talagang bumabalik sa kapanahunang aking iniisip noong ako ay bata pa! E-eh, ako’y ginaganahan! Pero mabalik tayo ulit kay Aling Petra… pagkatapos niyang maibaba ang kanyang paninda sa tabi ng kalye ay bubuksan niya ang kaldero ng mainit na pansit at mag-aalpasan naman talaga ang iyong bituka sa mabangong amoy ng sinunog na bawang doon na iyong masisinghot! Wala namang gaanong lahok ang bihon niyang iginisa sa “ kitsyap “ o inarnibal na asukal na tinunaw sa sabaw ng alamang at hinulugan ng dahon ng dayap, kundi ilang gayat na “ kayuti “ (sayote), tostadong bintak ng baboy at hipong yapyap, sabay pinapulahan ng achuete, pero bakit napakasarap noon? Lalo pa at binudburan mo ng kanyang pinaghalong toyo at kalamansi na nakalaman sa dalawang matilos na plastic na lalagyan, isang kulay berde at isang kulay pula…habang mapaso-paso ang iyong palad sa init na tumatag-os sa dahon ng saging na lalagyan. Tapos ay sabay kagat sa sinukmani o tinapay na napili…..iyaaaa ay talagang sulit na sulit na ang iyong diyes sentimos noon! Nakakaluog nga laang kaya uminom ka na ng tubig sa gripo…busog! Ngay-on, pag naubusan ka ng pansit ni Aling Petra na talaga namang inaantabayanan sa kala-kalapit, ay makakalakad ka tuloy papuntang kalye Bonifacio ilaya kung saan may nagtitinda naman ng pansit Lukban sa tapat ng sinehan. Masarap din ang kanilang napakainit na pansit na may kayuti, yapyap at namumula sa toyong pinanggisa, at pinaiibabawan ng hilaw na sibuyas Tapos ay bubudburan mo ang habhab ng toyong Marca Pinya at sukang Rose na minsa’y may lumulutang pang sili,… e-eh suwabe! Ang maganda pa doon ay lalo pang sasarap ang iyong paghabhab dahil mauulinigan mo ang tunog ng sineng ipinapalabas sa tapat…halimbawa’y nagbabakbakan sina Fernando Poe Jr. at Roco Montalban o Max Alvarado kaya, o di kaya nama’y nagsasabunutan na pala sina Susan Roces at Zeny Zabala. Minsan nama’y matitiyempuhan mong panay ang lambingan nina Rosemarie Sonora at Pepito Rodriguez, Gina Pareno at Bert Leroy Jr., o di kaya’y sina Blanca Gomez at Edgar Salcedo…..habang inaapi na naman ang dakilang inang si Rosa Mia, at biglang hahalakhak si Ben David, sabay kulog at kidlat! O hindi baga? Minsan naman, medyo sexy ang music…yun pala’y naghahalikan na sina Tony Ferrer at ang mestisang si Alicia Basili, na bigla namang magiging action ang tunog dahil nangangarate na si Agent X 44… Yaaaaa! Butas ang leeg ng kalaban! Ganyan kasarap ang magpansit sa may sinehan noon… Pagdating naman sa Rizal Ibaba, walang bukambibig ang mga mukhang pansit kundi ang pansit ni Mamang Singki sa ilayanan ng lumang bahay ng mga Enriquez. Kapag ikaw ay nautusang pabilihin doon ay malilibang ka sa bilis ng kamay ng intsik sa paggagayat ng mga panglahok nito at mapapansin mo rin ang tangkas ng kinikilong meke sa isang tabi na mukhang sarili nilang gawa. Pagkatapos ay hinding-hindi mo makakalimutan ang susunod na mangyayari… ang paglilinis niya sa kawang pinaggisahan ng isang napakaliit na walis na maaaring kasama sa sikreto at misteryo ng kanyang napakasarap na pagluluto! Sa malaking dubdob nang apoy sa tungko ay uumpisahan na niya ang pagluluto at talaga namang banguhang-banguhan ang kanyang iginigisa na biglang sumasagitsit pa pag sinandukan na nang pangsabaw na pinagpakuluan ng kung anu-anong pangsahog. Siyempre ay tatawing-tawing ang isang maliit na kalderong saingan ng kanin na iaabot mo sa nagluluto sabay sabing “pahingi daw po ng caldo!” Hindi ka halos magkandadala habang hawak-hawak naman sa isang kamay ang napakainit na pansit, balot sa nilaib na dahon ng saging na may diyaryo sa labas at tumutulo-tulo pa pag min san… aray! Pero hindi na bale dahil habang daan ay naglalaway ka na sa naiisip mong napakasarap na miryenda o hapunan kaya, lalo na ang kaning lulubugan mo ng napakalapot at malinamnam na kaldo… sa halagang dalawang piso laang kundi ako nagkakamali! Habang ika’y nguyang-nguya ay bonus na rin ang panonood ng “Oras Ng Ligaya” sa black and white na TV na halos ay puwede ng gamiting isang lamesa sa laki…o di kaya’y sa pakikinig ng “Mga Kuwento Ni Lola Basyang, Aninong Bakal , Gabi ng Lagim at Tang Tarang Tang sa radyo! Those were the days talaga ika nga… Sa ngay-on, ang salitang pansit ay nakakabit na sa pangalan ni Aling Nena de los Reyes at nagagamit pa niya sa kampanyahang pang barangay. Nagsulputan na rin ang iba’t-ibang mga restawran at catering na may kanya-kanyang espesyalidad at sikreto sa larangan ng masarap na pagpapansit. Pero sa totoo laang naman, ay hinahanap-hanap pa rin ng mga nakakaalam at nakakaalala sa kakaibang timplada, ang lasa ng sinaunang pansit ng Sariaya! A-ah ay nakakagutom talaga, ano nga?
Only registered users can write comments!
Sariaya SuperSite SARIAYA.net
3.26 Copyright (C) 2008 Compojoom.com / Copyright (C) 2007 Alain Georgette / Copyright (C) 2006 Frantisek Hliva. All rights reserved." |





