Home Magazine iLove, Sariaya Ang Pagpipiknik Sa Talaan Tuesday, 06 January 2009
Ang Pagpipiknik Sa Talaan PDF Print E-mail
Tuesday, 02 October 2007 22:01
Umaga ng Linggo ng Pagkabuhay… Madilim-dilim pa’y lumalakad na kami papunta sa lumang terminal ng BLTB, sa silanganan ng palengke… si Tatay, si Nanay, ang kapatid kong si Tina na akay ng mga pinsan kong sina Ate Babygirl at Ate Girlie, dalawang katulong at siyempre, ako rin! Bitbit ang kaunti naming dala-dalahan ay isa-isa kaming umakyat sa bus na biyaheng Talaan… dahil walang iisang pintuan at walang daanan sa gitna kagaya ngay-on. Walang dingding ang kanang bahagi ng sasakyan kaya’t kita mula sa labas ang mga tao, dahil ang pag-itan ng bawa’t mahabang bangko ang siya na ring akyatan at daanan ng mga pasahero, tuloy-tuloy papasok na pasiksik sa kaliwang bahaging nadidingdingan kung saan naroon ang bintana! Ibig sabihin, kung bababa ang nasa pinakaloob ng sasakyan ay kailangang magbabaan din ang mga pasaherong nakaharang sa kanya , papunta sa pagbababaan  niyang kanang bahagi, na kung saan din siya umakyat papasok sa pagsakay.”A-ah ay talagang napaka-inconvenient ano?” Pero wala ka naming magagawa dahil ito ay noong taong 1967! Gan-on talaga ang buhay, at katatapos ko pa laang ‘magsalimpusa’ o ‘saling cat’ ng Grade One kay Miss Cording Maleon, na hindi ko malimut-limutan dahil ako’y napaihi sa kanyang klase!

At sa wakas, ang hindi pa napupunong bus ay lumunsad na sa Kalye Mayor at pumaibaba na sa Kalye Mabini sa tapat ng munisipyo ……. A-ah ay noon pa laang nagising ang Sariaya. Dinaanan namin ang palayan sa kinakaliwa, binagtas ang mga niyugan at nilampasan ang Seminaryo… Nadaanan ang ilang malalaking punong mangga at kasunod na ang mas malaking palayan sa paibaba. Kinig na kinig ko pa ang pagkakalansingan ng mga lata ng gatas na pinagtali-tali at ipinagsasabit sa mga malalaking patpat… panakot ang mga yun sa mga ibong Maya na nag-aabang sa mga palay pag anihan na! Siyempre, mas mahangin ay mas maganda para mas malakas ang ingay pambugaw sa kanila! “Kling! Kling! Kling!”

Dahil sa nagliliwanag na ay banaag na ang may kababawang tubig na dumadaloy sa ilog na tagpuan ng ‘Mamala’ at ‘Anwang’ sa kinakanan, habang nagsalasalabat ang mga baging na hitik sa mga rosas na bulaklak ng “Cadena de Amor”, na nagbigay ng kulay sa madilim na kaberdehan ng paligid. Itinuro pa sa akin ni Tatay ang lumang simbahan daw ng ‘Tumbaga’ na katabing-katabi ng kalsada, pero tumpok na lang yun ng mga guhong bato at tisa na ginagapangan na ng sukal. Maya-maya pa’y taltalan na ang bus dahil wala ng ispalto ang daan at mabato na, pero buti na laang at maaga pa nga, dahil wala pang masyadong alikabok na tiyak ay nagpauban agad sa aking anim na taong tirik na buhok!

Tumigil kami sa isang bayan-bayanan na kalapit ng riles ng tren, Baryo Bukal daw yun  sabi naman ni Nanay, at utay-utay nang nagbabaan ang ilang pasahero na yanong iingay! Magkakapamilya ata! Yung isang ale ay nahigab pa habang ang kasama naman niyang mama ay nguyang-nguya ng Pan de Sal na binili pa sa bayan! Lumampas kami sa riles at napatingin pa ako sa isang mukhang dati’y magara at malaking bahay na gumigiri na sa kalumaan. May dalawa pa itong mga hagdan na magkahjiwalay, at nagtatagpong pakurba sa pataas na entrada… ang bahay bahay daw ni  Kapitang Lucio Rodriguez, dating namuno sa Sariaya noong panahon ng mga Kastila. Maya maya pa’y biglang may pumipitadang parating, isang tren na galing sa direksiyon daw cng pa Maynila sa kanluranan pero di ko naman makita . Biglang may nagkagulong mga pasahero sa likod, yun pala’y nagsusuka ang isang bata, buti na lang at katabi siya ng bintana!

Tumigil na naman ang bus, sa isang sangang daan at pa Baryo Pantok daw yun sabi nila. Bumababa na ang ilang pasahero ng biglang may kawayan sina Ate, isang dalagang may mahabang buhok na may balabal na tu-alya, si Avelina daw ang pangalan, isang kamag-anakin! Maya-maya pa’y pahibay-hibay na ang takbo ng bus, wala na ang taltalan at panay buhanginan na ang dinadaanan, habang sa mga punong niyog sa magkabilang tabi ng kalsada ay kapansin-pansin ang mga gumagapang na baging. Kitang-kita ang unti-unting pagliliwanag sa malayo na palapit ng palapit at kami’y biglang bumungad na sa dagat! Ramdam ko ang kilabot ng katuwaan  noon… excited na kami! Karamihan sa mga pasahero ay nakababa na at ilan na lang ang tao sa loob ng bus, ng biglang pumuhit itong pasilangan. Sandali pa ay bumababa na kami sa tabi ng isang kubo na may poso ng tubig sa karatig, at namukhaan ko ang mga taong lumapit sa amin, limot ko na nga laang ang kanilang mga pangalan.

Inilatag na agad ang blanket sa buhanginan at habang kaming mga bata ay nagtakbuhan na sa tubig ay inilabas ni Nanay at ng mga katulong ang aming mga baon… Tatlong supot ng Pan de Sal, mga apat na lata ng Reno Liver Spread at tatlong bote ng Pepsi Family Size! “Masarap na yun noon, aba!” Habang nasa tubig kami na ubod ng alat at masakit sa mata ay binuhat kaming magkapatid ni Tatay sa magkabilang kamay at dinala palapit sa isang bangka na may pangalang “Ernesto” kung saan kami ay nilitratuhan! Tukayo ni Tatay ang bangka at kunyari siguro ay siya ang may-ari noon! Umahon kami ng mga bandang alas diyes at umuwi nang pa Sariaya sakay ng isang pampasaherohang jeep! Bitin pa nga sa ligo pero ang sabi ni Nanay noon ay masama raw ang masyadong mainitan sa dagat, masusunog ang balat… at dun ko lang unang narinig ang salitang ‘sunburn’! Punung-puno kami ng galbok pagdating sa bayan, at hanggang sa pagtulog ay parang nauunanap ko pa ang pag alon-alon ng tubig.

Bumalik kami sa Talaan nang mga bandang May kung hindi ako nagkakamali. Masalabay na raw sabi nila pero okey lang, may baon yata kaming maraming kalamansi! Mga maestra ng Sariaya East Elementary School o ‘Iskul’ ang aming nakasama gaya nina Miss Asun Jumawan na kapatid ni Nanay, Misses Carmen at Evelyn Quejano, Miss Duyi Mendoza, Miss Laurence Luna na kilala sa katawagang si ”Always” ( gawa ng paborito niyang imi-kin ang salitang yun ) at palaging naka shades noon pa man, at ang mag-asawang Peace Corps Volunteer na sina Mr. Bruce at Mrs. Cathy Benard ng Boston, Massachuesettes, USA! Bukod sa aming magkapatid, kasama rin namin ang aming pinsang si Marion at kaklase kong si Leonardo ‘Naddie’ Quejano, parehong mga malilikot! Natatandaan ko pa ang sinabi ni Mr. Benard noon… “So, this is Taalan, nice place huh?”, kaya nagtawanan ang mga teachers at sinabing ‘It’s Talaan, not Taalan!’. Napatawa rin yata ako noon, awan ko baga? Pero ang sigurado ko ay narinig  ko ang kantang ‘Shy Girl’ ng ‘The Cascades’! May radio silang dala ano? At buti na laang at may Kodak camera na si Tatay noon, wala pa nga lang built-in flash ang mga camera dahil ang mga ito’y disposable at binibili pa noon, kuwadrado ito na isinusuksok sa ibabaw ng Kodak na camera! Pero di bale na, at least may mga souvenir pictures kami! Gusto ninyong panoorin?
Comments
Search RSS
Only registered users can write comments!
Sariaya SuperSite SARIAYA.net

3.26 Copyright (C) 2008 Compojoom.com / Copyright (C) 2007 Alain Georgette / Copyright (C) 2006 Frantisek Hliva. All rights reserved."

 
Talatinigan

Barbikyung kamote: camote cue

Anlaw: banlaw

Burlando: taong malakas ang boses at dominante ang dating

Bikalo: bagay

Bustrag: sumabog halimbawa’y langgonisang lukban habang niluluto

Burok: tambok halimbawa’y ang pisngi

Bulok: bobo

Bustringgos: busisera, busisero

Alangan: hindi na buko pero hindi pa niyog

Awan: ewan

Buhalhal: malakas tumawa

Bitaw: bitiw

Batidor: metal na lalagyang pinagtutunawan ng tabliyang tsokolate sa mainit na tubig

But-o: buto

Bitadtad: kaladkad

 WiFi Zone
Sariaya Telephone Directory
 
Your ad here

Advertisement