|
Robert Jaworski, Big J, Basket Master, Dugong – Polish! Jubert Jubski, Slim J, Web Master, Hanep sa Polish, o di baga? Pssst! Introduction daw ito, wala lang...
July 10, 2007, Miyerkules ng umaga... Lumarga na ang ating bida upang ipagpatuloy ang sinumpaang misyon ng ating website... “Ipakita sa buong mundo ang kagandahan ng Sariaya!” Bitbit ang bago niyang laruan, ang kanyang brand new Nikon Digital SLR Camera lang naman, siya ay umakyat sa simboryo ng simbahan... Dumapa sa may bubungan ng SJA at naglambitin pa kasama ng mga layang-layang at mga paniking nag-i-ik-ikan, saka nagkuha ng nagkuha! A-ah ay talagang wala siyang pinatawad... ang bird’s eye view ng patio, mga taong namamanata, ang sinaunang Baptistry, ang nakakahalinang vista ng Bundok Banahaw, ang nahating puno ng Akasya, ang Munisipyo at bahay ng Talyo mula sa tore, ang Museo Ng Debosyon at Buhay, ang Devotional Park, ang napakagagarang kalooban ng kumbento na kung tawagin ay Residential Museum, ang Prayer Room at ang mga sinaunang kampana! Kaya panay… Klik! Klik! Klik!
Hindi pa nasiyahan, pumunta siya sa ilayang Quezon Avenue at Kalye
Rizal upang kuhanan ang ilang ipinagmamalaking Ancestral Houses ng
ating bayan, kasama ang Alvarez House na dating kinalalagyan ng Sariaya
Museum. Pero siyempre naman, ang ating bida ay tao laang, kaya mayamaya
pa’y umorder na siya ng Tamis-Anghang Chame, Hamburger at Sprite sa
Casa Plaza... “nguya-nguya, ngasab-ngasab, lun-ok sabay glug!”...
Solved!
Pinuntahan niya ang Villamater’s Bakerty sa Ibabang Rizal, upang
litratuhan ang mga ipinagmamapuri at masasarap na tinapay Sariaya...
Broas (Buruhas), Otap (Buruhas Tayabas), Apaz (Binuruhas) at Pianono,
sa kagandahang – loob ni Mrs. Shirley Villamater. Pagkatapos ay
kinuhanan naman niya ang kilalang Pastillas, iba’t-ibang klaseng Yema
at Matam-is ng Sariaya, sa tulong ni Barangay 6 Kagawad JR de Gracia.
Kumpleto na sana ang photo shoot pero sinuyod na niya ang ngayo’y
tinaguriang Kalye Tamales ng Sariaya ay wala siyang makunan, naubusan
ng Tamales! Iya, ay di ang lagay eh “Ala, sa ibang araw na laang”, ano
nga?
Sa madaling salita ay yanong ligaya ni Jubski Webmaster sa mga
pangyayari, dahil magagawa na niya ang kanyang nais na dagdagan pa ang
nilalaman ng sariaya.net para lalong mapalawak ang hayon at dating nito
sa madlang Sariayahin ng buong mundo.At tiyak, lalong dadagsain ng mga
pagbati ng mga kababayang ” miss na miss “ na ang Sariaya, ang
Guestbook ng dakilang Website!
Kaya ayun at dalas-dalas na siyang umuwi pa Marichi sakay ng kanyang
owner na jeep!... Hindi kaya dahil sa tanghaling tapat na at manonood pa
siya ng Wowowie o Eat Bulaga kaya? Whatever, ” itak-tak “ natin sa bato
na makakatulong ng malaki ang sariaya.net upang ma-inspire ang ating
mga kababayan para sa tunay na pag Arya ng Sariaya ! Kaya mga Bagets at
Forgets ng ating bayan, gayahin ninyo si Webmaster Jubert! Mahalin,
igalang at ipagmalaki natin ang lahat ng mga bagay tungkol sa Sariaya!
P.S. Abangan ninyo ang photo gallery na ating portal and see Jubert
in action... ang ebidensiya kung papaano pinaghihirapan ng ating
dedicated na Webmaster-Photographer ang SARIAYA.net! Bukod pa d’yan ang
puyat nights online! Ayos ba? Comments naman kayo d’yan mga ineng, mga
utoy, ate at kuya, tito at tita, inana at amama, mga nuno…may nuna ba?
O ano? Ang ganda talaga ng ating bayan di baga? Yes! Let us love Sariaya unconditionally, and support SARIAYA.net totally!
|